Nasaan na kaya siya?

Matapos ang mga pinagdaanan ko sa loob ng higit 23 taon ko dito sa mundo, may isang tanong na bumabagabag sa isip ko – Nasaan na kaya siya?

Nasaan na kaya ‘yong batang nakilala ko na punung-puno ng pangarap sa buhay? Naaalala ko pa noon, masigla niyang kinakanta sa kanilang tahanan ang pangarap niyang maging isang doktor. Masipag siyang mag-aral dahil ang sabi ng nanay niya sa kanya, kung nais niyang maging doktor dapat mataas ang marka niya sa paaralan.

Nasaan na kaya siya? ‘Yong batang kahit masipag mag-aral ay naging makulay ang kabataan. Pagktapos gawin ang takdang aralin ay magpapaalam upang maglaro sa labas. Minsan pinapagtulog ng kanyang ina sa tanghali ngunit madalas tumatakas ng bahay para maglaro sa kalsada. Napapaisip tuloy ako kung tumangkad ba siya.

Nasaan na kaya siya? Dati kasi madalas ko siyang makita kasama ang mga kalaro niya, madumi na ang damit niya kapag umuuwi siya ng dapithapon sa kanila dahil sa paglalaro ng luksong baka, tumbang preso, agawan base at tagu-taguan.

Nasaan na kaya siya? Madalas ‘yon din ang tanong ng kanyang ina kapag dumidilim na at hindi pa siya makita. May mga araw tuloy na sinusundo siya ng pamatpat o di naman kaya ng tsinelas.

Nasaan na kaya siya? Kasama kaya niya ang mga kaibigan niya? Marahil ay nagpunta na naman sila ng ilog para kumuha ng isda gamit ang maliit na lambat na gawa ginupit na kulambo nilang luma na o hindi naman kaya ay sa itinapong kumot ng kapitbahay. Naku, kapag nalaman ng nanay niya tiyak latay na naman sa hita ang aabutin niya.

Nasaan na kaya siya? Saan kaya siya dinala ng mga tanong sa isip niya? Hinanap kaya niya ang mga kasagutan? O baka naman sumama na siya sa kanyang pangarap. Nagagamot na kaya siya ng matatanda? Tumutulong na kaya siya sa mga batang walang pambayad sa doktor?

Nasaan na kaya siya? Nasundan ba niya ang daan patungo sa gusto niyang buhay? O baka naligaw na siya at hanggang ngayon ay hinahanap pa rin kung saan nga ba siya papunta. Baka madilim sa lugar na pinuntahan niya o kaya’y masukal. Makabalik kaya siya? Baka naman gumawa na siya ng paraan para lumiwanag sa dinaraanan niya?

Nasaan na kaya siya? Hinahanap-hanap ko ang mga inosente niyang ngito at tawa. Ngayong marami na siyang kaalaman at mga bagay na natuklasan, nagagawa pa kaya niyang tumawa na parang isang bata na walang ibang inisip kundi ang maging masaya kasama ang mga kalaro niya?

Kumusta na kaya siya? Hindi ba niya hinahanap ang pagtulog sa tanghali? Nakakatulog pa kaya siya tuwing gabi?

Gusto ko siyang makita, gusto kong sabihin sa kanya na ako ang kanyang hinaharap. Kapag nalaman kaya niya, ano kayang magiging reaksyon niya? Matatakot kaya siya? Baka gustuhin na niyang matulog sa tanghali, o di naman kaya ay mag-aral pa ng mas mabuti. Baka naman matakot sa panahon lalo’t alam niyang siya at ako ay iisa. Gumawa kaya siya ng paraan para hindi ako ang makita niya sa salamin 15 taon sa hinaharap niya?

Nasaan na kaya siya? Kasi parang lahat ng ‘siya’ ay tila mga alaala na lang sa aking isipan. Nami-miss ko na siya, sana hindi na lang siya nawala, sana hindi na lang siya kinuha ng panahon.

Sana hindi na lang ako tumanda.

Ang manlalakbay

Uunahan ko na kayo, hindi ito talaga ito travel blog.

Ngayon maaaring tumataas na ang iyong mga kilay. Siguro’y tinatanong niyo na kung bakit ito ang pangalan ng blog ko.

Simple lang, kwento ito kung paano ang paglalakbay ko patungo sa buhay na pinapangarap ko. Kwento ito ng paghahanap ko sa aking sarili, kung paano nasagot ang mga katanungan na matagal nang gumugulo sa aking isipan.

Hindi lang buhay ko ang aking isusulat. Nais ko ring isulat ang buhay ng ibang taong nakakasalamuha ko, maaaring kwento ng aking kaibigan, dating kamag-aral, nakasalubong sa daan o maaaring ikaw mismo na nagbabasa.